Handa ang pamahalaan na makipagtulungan sa Estados Unidos hinggil sa nadiskubreng suporta umano ng isang Filipino at doktor ng Maute group na si Russel Salic sa nabulilyasong terror plot sa New York City.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi magkakait ng impormasyon ang Pilipinas sa U.S. bagkus ay buo ang pakikipagtulungan ng Department of Justice sa mga otoridad sa Amerika kaugnay sa terorismo.
Sa kaso anya ni Doctor Salic, ipo-proseso ng D.O.J. ang extradition procedures laban kay Salic alinsunod na sa kahilingan ng Estados Unidos.
Gayunman, habang ginagawa ipino-proseso ang extradition, magpapatuloy ang preliminary investigation sa Pilipinas para sa mga kinakaharap na kasong kidnapping at murder ni Salic na nasa kostudiya ng N.B.I.
Si Salic na isang orthopedic surgeon at dating nagtatrabaho sa Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City ay may koneksyon umano sa Maute terror group.