Mariing itinanggi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang alegasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na tila hindi siya interesado sa kaso kaugnay ng nakalusot na 6.4-billion shabu shipment sa Bureau of Customs o BOC.
Ito ay matapos na isaad ginawang draft report ng Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na kapuna-punang ipinauubaya na lamang ni Aguirre sa mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pag-resolba sa usapin.
Ayon kay Aguirre, walang basehan ang obserbasyon ni Gordon maliban na lamang aniya sa katotohanang marami siyang ibang ginagawa at hinahawakang iba pang mga usapin.
Giit pa ni Aguirre, sa katunayan aniya, nagsimula na ang preliminary investigation ng Department of Justice o DOJ sa magkahiwalay na kasong kriminal na inihain ng NBI at PDEA sa mga sangkot sa drug shipment.
Nagpalabas na din aniya ng look out bulletin ang DOJ laban sa mga isinasangkot sa anomalya tulad nila dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon, mga negosyanteng si Richard Tan, customs broker na si Mark Taguba at iba pa.