Dalawampu’t dalawang (22) bangkay ng mga terorista ang narekober ng militar sa loob ng main battle area sa Marawi City kahapon.
Ito ang kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Information Affairs Chief Colonel Edgard Arevalo, matapos ang kanilang ginawang pag-atake sa mga gusali na pinagkukutaan ng Maute – ISIS Group sa Marawi City.
Dagdag ni Arevalo, bukod sa mga bangkay ng mga terorista, nakakuha din ang militar ng walong baril kabilang na ang mga Rocket Propelled Grenade o RPG at dose-dosenang improvised explosive device o IED.
Samantala, malungkot na ini-anunsyo ni AFP Spokeman Major General Restituto Padilla na isang batang opisyal ng militar ang namatay sa pakikipagbakbakan sa mga terorista sa Marawi City.
Hindi pa pinangalanan ang nasabing batang military official na may ranggong lieutenant at nakatakda na sanang ikasal ngayong taon.
Isnilon Hapilon at Omar Maute posibleng kabilang sa mga narekober na bangkay
Inalaam na ng Armed Forces of the Philippines o AFP kung kasama sa 22 bangkay na narekober sa main battle area sa Marawi City ang mga teroristang lider na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute.
Ayon kay AFP Spokesman Major General Restituto Padilla, may posibilidad na kabilang ang dalawa sa mga napatay ng militar.
Dahil dito, ipinamamadali na aniya nila sa PNP – SOCO ang pagsasailalim sa mga narekober na bangkay sa DNA examination para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Kaugnay dito, sinabi ni Padilla na lahat ng bangkay ay mga lalaki, kung saan ang ilan ay mukhang banyaga.