Istranded ngayon ang ilang pasahero sa mga pantalan ng Cagayan at Batanes.
Ito ay matapos ipagbawal ng Philippine Coast Guard o PCG ang pagbiyahe ng mga sasakyang pandagat sa hilagang silangan ng Luzon dahil sa bagyong Odette.
Kabilang sa mga istranded sa naturang mga pantalan ang may 17 pasahero at 5 bangka.
Samantala, iniulat naman ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Cagayan na may nangyaring landslide sa bayan ng Baggao.
Tinatayang dalawang tulay ang naapektuhan ng landslide kayat hindi ito madaanan ng mga motorista.
Flight cancellations
Samantala, kanselado naman ang ilang flights ngayong araw dahil din sa sama ng panahon.
Ayon sa Manila International Airport Authority o MIAA, kabilang sa mga naapektuhan ng bagyong Odette ay ang biyahe ng PAL Express mula Maynila patungong Basco at pabalik.
Pinapayuhan naman ang mga apektadong pasahero na makipag-ugnayan sa airline company para sa rebooking o refund.
—-