Masusing pinag-aaralan ngayon ng Department of Justice o DOJ kung may batayan para isailalim sa lifestyle check sina Davao Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Mans Carpio.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, draft report pa lamang ang inilabas ng Senate Blue Ribbon Committee na nagrerekumenda na isailalim sa lifestyle check ang dalawa kung kaya’t kailangang mapag-aralan muna ito ng mabuti.
Nakasaad sa draft report ng Senate Blue Ribbon Committee na walang ebidensya na mag-uugnay kina Davao Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Mans Carpio sa 6.4 billion pesos na shabu shipment.
Ngunit, inirekumenda naman ng komite na maisailalim sila sa lifestyle check ng National Bureau of Investigation o NBI kasunod na din ng pagkakaladkad ng mga pangalan nito sa isyu ng smuggling.
Nauna nang itinanggi ni Davao Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Mans Carpio ang alegasyon ni Senador Antonio Trillanes na sila ang nasa likod ng Davao Group na umano’y kumukulekta ng pera para sa pagpapalabas ng shipment mula sa Bureau of Customs o BOC.