Iginiit ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, na hindi maikukunsiderang extrajudicial killings o EJK ang uri ng pagpatay sa mga menor de edad na sina Kian Delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “kulot” de Guzman.
Pahayag ng kalihim, hindi akma sa depinisyon ng EJK ang sirkumstansya ng pagkamatay ng tatlo, base sa imbestigasyon ng binuong inter-agency committee ng administrasyon.
Ayon kay Aguirre, nakasaad sa Administrative Order Number 35 series of 2012, matatawag lang na EJK ang pagkamatay ng isang biktima kung miyembro ito ng progresibong organisasyon o cultural minorities, kabilang na ang mga media practitioner at mga taong napagkamalan lamang o mistaken identity.
Ngunit sa kaso aniya nina Kian, Carl at Kulot ay hindi ito maituturing na EJK dahil ito’y isang common crimes na halos kahalintulad sa nangyari noong martial law sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.