Sinuportahan ng Kilusang Mayo Uno o KMU, Kadamay at iba pang people’s organization ang transport strike na inilunsad ng PISTON.
Nagtipon ang mga grupo sa Monumento kung saan maraming jeepney ang miyembro ng PISTON.
Nagsagawa rin ng kilos protesta ang PISTON sa may Cubao area at ilang lugar sa Maynila at Bulacan.
Una rito, sinabi ni Atty. Aileen Lizada, Spokesperson ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na mayroon silang natanggap na impormasyon hinggil sa paglahok ng maka kaliwang grupo sa transport strike.
Dahil dito, hindi umano malayo na may kaugnayan sa di umano’y planong destabilisasyon sa pamahalaan ang transport strike.
Matatandaan na sinuspindi ng Malacañang ang pasok sa lahat ng antas ng paaralan sa buong bansa, nagsuspindi rin ng pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan at maging ang Bangko Sentral at mga korte ay nagsuspinde rin ng pasok.
Sa kabila ito ng sinasabi ng LTFRB na wala pang isang porsyento ng mananakay ang naapektuhan sa tuwing magsasagawa ng welga ang PISTON.
Photo Credit: Gilbert Perdez (Patrol 13)
—-