Itinanggi ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide o PISTON na ang dalawang araw na tigil-pasada nila ay bahagi ng destabilization plot laban sa gobyerno.
Sinabi ni PISTON President George San Mateo na ang nasabing anggulo ay paglihis lamang mula sa tunay at pangunahing isyu na may kinalaman sa PUV modernization program.
Ayon pa kay San Mateo, naniniwala siyang batid ng Malacañang na lehitimo ang ipinaglalaban nila kontra sa naturang programa kaya’t nagsuspindi na rin ng klase.
Alam aniya ng Palasyo na ang PUV modernization program ay magtatanggal ng kabuhayan kaya’t susuportahan ng iba pang sektor ang kanilang tigil-pasada.
Una nang ibinunyag ng LTFRB ang anito’y natanggap na report na suportado ng mga maka-kaliwang grupo ang nasabing tigil-pasada ng PISTON.
“Paglilihis na lang sa isyu yun particularly ng gobyerno, ng LTFRB, minamaliit kasi nila ang isyu ng transport strike eh biglang nagdeklara ang Palasyo na nationwide na walang pasok sa klase at gobyerno, kung hindi ako nagkakamali first time na nangyari ito, ibig sabihin alam nilang lehitimo ang isyung ito, alam nila mismo na yung programa nila, magtatanggal ng kabuhayan.” Pahayag ni San Mateo
—-