Idinepensa ni Senator Vicente Sotto III ang muling pagsuspindi ng Malacañang sa pasok sa lahat ng antas ng paaralan at tanggapan ng pamahalaan sa ikalawang araw ng transport strike ng PISTON.
Ayon kay Sotto, mas makabubuti nang makatiyak na ligtas ang lahat kaysa magsisi sa huli.
Ang pahayag ay ginawa ni Sotto sa harap ng pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na hindi naman naramdaman ang epekto ng transport strike ng PISTON.
Naniniwala naman si Senador Sherwin Gatchalian na kaya hindi naramdaman ang transport strike ay dahil suspendido ang pasok sa paaralan at tanggapan ng pamahalaan.
Hinikayat ni Gatchalian ang transport groups na nagkikilos-protesta na idaan sa diyalogo ang mga isyung kanilang inirereklamo.
Para kay Gatchalian, sapat na ang isang beses na welga, pero abuso na kung ito ay susundan pa.
(Ulat ni Cely Bueno)