Nananatiling bukas ang Malakanyang sa pakikipag-usap o diyalogo sa grupong Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide o PISTON na siyang nanguna sa dalawang araw na tigil pasada.
Ito ang sagot ng Palasyo sa banta ni PISTON President George San Mateo na hindi sila titigil sa pagsasagawa ng tigil pasada hangga’t hindi pinakikinggan ang kanilang mga hinaing sa pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, maaari naman aniyang humingi ng audience ang PISTON anumang oras na naisin nito at lagi namang bukas ang Palasyo sa mga nagnanais na makausap ang Punong Ehekutibo.
Kasabay nito, tumanggi nang magkomento si Abella sa naturang banta na ito ng PISTON na mariing tumututol sa modernisasyon sa sektor ng transportasyon sa bansa.