Matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na malaya na ang lungsod ng Marawi mula sa mga teroristang Maute, nakiisa sa panawagang rehabilitasyon ng Pangulo si KABAYAN Party-list Congressman Ron Salo.
Sabi ni Salo na isa sa mga lider ng Kamara bilang Assistant Majority Leader, prayoridad sa rehabilitasyon ang pagsasaayos ng mga pampublikong paaralan at bahay-pamahalaan na nasira dahil sa mahigit limang buwang bakbakan.
“Dahil dyan, mag-aampon ng eskwelahan ang KABAYAN Party-list at tutustusan namin ang pagpapatayo ng isa o dalawang classroom na pang-grade-school bilang kongkretong tulong sa mga kababayan nating nasalanta ng digmaan,” ani Salo.
Makikipag-ugnayan din si Salo sa mga community leaders ng Marawi at sa mga national agencies kung paano mabilis na maisasakatuparan ang planong ayuda ng KABAYAN Party-list.
Si Salo ang may akda ng House Resolution 1083 na humihimok sa mga kapwa mambabatas sa Kamara na bigyang papuri ang mga sundalo at pulis na nagtaguyod ng kapayapaan at seguridad sa Marawi City at sa buong Mindanao.