Tila kakailanganin ng tibagin sa pamamagitan ng bulldozer ang main battle area sa Marawi City, Lanao del Sur na matinding naapektuhan ng sagupaan ng militar at ISIS-Maute.
Ito, ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, ay dahil wala ng mapapakinabangang gusali sa ground zero.
Magugunitang kasama si Andanar sa Marawi nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakalaya na ang lungsod sa kamay ng mga terorista, noong Martes.
Magpupulong muna anya ang mga miyembro ng Task Force Bangon Marawi upang talakayin ang mga paraan sa pag-rehabilitate sa lungsod.
Gayunman, nilinaw ni Andanar na ang pagbawi sa Marawi ay hindi nangangahulugang aalisin agad ang martial law sa Mindanao.