Hindi pa makapagkomento ang Malacañang sa pagkakatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay DSWD o Department of Social Welfare and Development Asst/Sec. Lorraine Badoy sa PCOO o Presidential Communications Operations office.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi pa nila nakukuha ang kopya ng appointment papers kay Badoy kaya’t wala pa silang masabi hinggil dito.
Magugunitang kinumpirma sa isang text message ni DSWD Officer – In – Charge Emmanuel Leyco ang appointment kay Badoy bilang Undersecretary for New Media and Spokesperson ng PCOO.
Gayunman, tanging naging pahayag dito ni Abella ay hintayin na lamang kung may madaragdag ba na opisyal sa PCOO at wala rin aniya siyang nakikitang masama kung magkakaroon ng sariling tagapagsalita si Communications Secretary Martin Andanar.
Ulat ni Jopel Pelenio