Pinuna ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang naging pahayag ni Senador Chiz Escudero kaugnay ng kasong isinampa sa Senate Electoral Tribunal o SET laban kay Senadora Grace Poe hinggil sa citizenship at residency nito.
Matatandaang itinuring ni Escudero bilang harrasment ang hakbang na ito laban kay Poe lalo’t wala naman daw kumuwestiyon dito sa nakalipas na 3 taon sa pagiging isang Senadora.
Pero para kay Atty. Rico Quicho, Spokesperson for Political Affairs ni VP Binay, hindi niya maiwasang ikumpara ang naging pahayag ni Escudero sa konteksto ng imbestigasyon ng Senado laban sa Bise Presidente.
Ani Quicho, sa nakalipas na taon ay hindi lamang daw hinarass si Binay kundi agad na hinusgahan nang walang sapat na ebidensiya ni Escudero at ng mga kasamahan nito sa Senado.
Ang aniya’y demolition by perception ay nagsimula lamang pagkatapos magdeklara ng Pangalawang Pangulo ng interes nito sa 2016 Presidential elections.
Ang pananaw daw ni Escudero sa harrassment at ebidensiya ay dahil lamang sa political partisanship at ambisyon nito.
Dagdag ni Quicho, kaysa pangunahan ang SET, bakit hindi na lamang aniya antayin ni Escudero ang magiging desisyon nito at hayaang ang batas ang manaig sa kaso laban kay Poe.
By Allan Francisco