Ibinunyag ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na may mga naglulutangan na namang mga bagong drug lord sa New Bilibid Prison o NBP sa Muntinlupa City.
Ito’y ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino batay sa mga impormasyong kanilang nakalap, kung saan mismong ang mga kilalang drug lord na sina Herbert Colanggo, JV Sebastian, Peter Co at iba pa ang nagsasanay sa mga bagong pangalan.
Dahil dito, iginiit ni Aquino na pursigido silang magtayo ng tanggapan sa loob ng NBP upang bantayan ang galaw ng mga drug lord at mapigilan ang kanilang hakbang na ipakalat o ipasa sa bagong dugo ang kanilang iligal na gawain.
Tiniyak din ni Aquino na masisibak at makakasuhan ang mga itatalaga niyang PDEA agent sa loob ng pambansang piitan na magpapasilaw sa mga drug lord lalo’t kilala ang mga ito sa panunuhol.