Walang perang mapupunta sa mga sundalo bilang bahagi ng reward para sa mga napatay na terorista sa Marawi City.
Nilinaw ito ni Armed Forces of the Philippines o AFP Chief of Staff General Eduardo Año na nagsabing sa mga civilian informant mapupunta ang reward.
Kahapon ay naisumite na sa Federal Bureau of Investigation o FBI ang DNA samples nina Omar Maute at Isnilon Hapilon.
Si Hapilon ay may patong sa ulo na limang milyong dolyar ($5-M) mula sa FBI, dagdag na pitong milyong piso (P7-M) mula sa gobyerno ng Pilipinas at sampung milyong piso (P10-M) mula sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Tig-limang milyong piso (P5-M) naman ang reward para sa mga napatay na Maute brothers.
Mga sundalong sumabak sa giyera sa Marawi sabik na sa Hong Kong trip na ipinangako ng Pangulo
Inamin ng Armed Forces of the Philippines o AFP na excited na ang mga sundalong sumabak sa giyera sa Marawi City sa ipinangako sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte na bakasyon kasama ang kanilang pamilya sa Hong Kong.
Ayon kay AFP Spokesman Major General Restituto Padilla, magandang pagkakataon ito para sa tropa ng pamahalaan na makasama ang kanilang pamilya matapos ang halos limang buwang bakbakan sa Marawi City.
Matatandaang nangako si Pangulong Duterte ng Hong Kong trip sa mga sundalo sa sandaling matapos na ang giyera sa Marawi City.
Samantala, sasagutin naman ng Cebu Pacific ang kanilang airfare.
Habang ang pocket money at accommodation naman ay mangagaling mula kay Pangulong Duterte.