Tiniyak ng Malakanyang na mananatiling nakabantay at naka-alerto ang gobyerno laban sa mga nalalabing terorista sa Marawi City, Lanao Del Sur.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Ernesto Abella sa kabila ng deklarasyon ng militar na tapos na ang limang buwang sagupaan sa lungsod.
Ayon kay Abella, bagaman patuloy ang pag-pullout ng mga sundalo sa Marawi, hindi ito nangangahulugan na nagwakas na ang sagupaan ng mga tropa ng gobyerno at mga miyembro ng Maute-ISIS.
Hindi anya nagpapaka-kampante ang pamahalaan kahit pa nasa dalawampu (20) na lamang ang bilang ng mga kalaban sa Marawi na maaari pa ring makapaghasik ng kaguluhan sa gitna ng nagpapatuloy na rehabilitasyon ng lungsod.
Kahapon ay idineklara ni task force Marawi Commander Brig. Gen. Danilo Pamonag na nagtapos na at nakamit na ng mga tropa ng gobyerno ang tagumpay matapos ang limang buwang bakbakan sa Marawi.