Isang gusali na lang ang hawak ng mga natitirang teroristang Maute-ISIS sa main battle area ng Marawi City.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines o AFP Spokesman Major General Restituto Padilla inaasahan nilang anumang oras ngayong araw ay matatapos na ng tuluyan ang giyera sa nasabing lungsod.
“Nakakasigurado na tayo ng napipintong pagtatapos ng bakbakan sa Marawi. Kahapon, natanggap natin mula sa ground commanders na kumonti na ang mga kalaban. Mula sa 15 gusali na tinututukan ng ating tropa, naging lima, ngayon po isang gusali na lang ang natitira na hawak ng mga terorista.” Ani Padilla
Sinabi ni Padilla na magsasagawa sila ng opisyal na anunsyo para sa deklarasyon ng liberasyon ng Marawi mula sa kamay ng mga terorista sa oras na magtapos na ito.
Positibo rin si Padilla na sa ngayon ay accounted na lahat ng mga bihag at kung may natira pa aniya ay umaasa silang nailigtas na ang mga ito ng militar.
“Accounted na ang mga hostages, sana ang mga natira ay nakuha na nila sa mga oras na ito. Kinakailangan na nating daanin na sa dahas dahil hindi sila tumutugon sa ating pakiusap na sumuko sila.”
Binigyang diin ni Padilla na kinakailangan munang i-clear mula sa mga patibong at pasabog ang main battle area at hanapin ang mga bangkay ng mga terorista upang matiyak na tuluyang napulbos na ang mga ito.
Ipinabatid din ni Padilla na ipinag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte na iwasan muna ang magarbong selebrasyon sakaling tuluyang ideklara na ang pagtatapos ng Marawi crisis, aniya bilang pakikidalamhati ito sa mga nananatiling hirap pa dahil sa nasabing kaguluhan.
Sa ngayon ay puspusan na ang rehabilitation effort para sa muling pagbangon ng Marawi.
(Balitang Todong Lakas / Interview)