Inamin ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o PISTON President George San Mateo na mabigat para sa bulsa ng mga tsuper ang pinalawig na discount para sa mga estudyante.
Ito ay dahil kahit weekend, holiday at summer ay entitled pa din para sa diskwento ang estudyante maliban sa mga kumukuha ng law, medicine, masteral at iba pang graduate courses.
Dahil dito, iminungkahi ni San Mateo sa Department of Education o DepEd na bigyan ang mga estudyante ng stub para ito ang ibibigay sa mga tsuper.
Ang mga maiipong stub na ito aniya ay ire-reimburse ng mga tsuper sa pamahalan.
Iginiit ni San Mateo na dapat balikatin ng pamahalaan ang pinalawig na diskwento para sa mga estudyante.
Kaugnayan ng PISTON sa mga komunista pinabulaanan
Iginiit ni PISTON President George San Mateo na wala silang kaugnayan sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front o CPP – NPA – NDF.
Kasunod na din ito ng pakikipag-sigawan ni san mateo sa isang kolumnista na nagtanong hinggil sa posibleng pagsasalita nito sa ngalan ng maka-kaliwang grupo.
Sinabi ni San Mateo na hindi sila sangkot sa anumang destabilisasyon sa gobyerno at walang grupong sumuporta sa kanilang dalawang araw na tigil pasada noong nakalipas na mga araw ng Lunes at Martes.
Matatandaang sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Pili, Camarines Sur, inakusahan nito ang PISTON na ‘legal front’ ng komunistang grupo.