Mahigpit ang isinasagawang aerial at on the ground inspections ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa lugar kung saan itatayo ang transitory house para sa mga residenteng naapektuhan ng bakbakan sa Marawi City.
Ipinabatid ito ni DPWH Secretary Mark Villar, dahil target aniya nilang matapos sa susunod na buwan ang konstruksyon ng road network na pagtatayuan ng unang batch ng mga transitory house.
Ang nasabing lugar aniya na inaayos ay uubrang pagtayuan ng halos tatlong daang (300) transitory houses ng National Housing Authority o NHA na pinondohan ng halos 250 milyong piso.
Kasabay nito, inihayag ni Villar na nagsasagawa na din ng pag-aaral ang post conflict needs assessment team para tukuyin ang pinsalang idinulot ng digmaan sa mga imprastruktura.