Dumipensa ang Social Weather Stations o SWS sa muling pagpapalabas ng survey kung saan lumalabas na mayorya ng mga Pilipino ang hindi naniniwalang nanlaban sa pulis ang mga napapatay na drug suspects.
Inamin ni Leo Laroza, Direktor ng SWS Survey Data Archives na pareho lamang ito sa survey na inilabas nila noong October 11 na nagmula sa isinagawa nilang survey mula September 23 hanggang 27.
Ipinaliwanag ni Laroza na ang inilabas nila noong October 11 ay ang kabuuang resulta samantala ang inilabas nila at ilalabas pang bagong press release ay detalye na ng kabuuang resulta ng survey.
Makikita aniya sa serye ng mga ilalabas nilang press release ang resulta ng survey sa iba’t ibat ibang lugar at ang koneksyon ng mga resultang ito sa kabuuang performance ng administrasyon.
Idinetalye aniya sa huli nilang report na negative 34 ang opinyon ng mga taga-Metro Manila sa rason ng PNP na nanlaban ang mga drug suspects kaya napatay, negative 31 sa Luzon, negative 15 sa Visayas at positive 3 sa Mindanao.
Sinabi ni Laroza na batay sa ginawa nilang analysis, nakakuha ng pinamababang satisfaction ratings ang Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lugar kung saan mas marami ang nagpahayag ng pagdududa sa mga patayang nag-ugat sa giyera kontra droga ng administrasyon.
—-