Itinuturing ng mga magulang ni Kian Loyd Delos Santos na “self-serving” ang mga alibi ng mga inakusahang pulis sa pagkamatay ng kanilang anak.
Sa reply affidavit ng mag-asawang Saldy at Lorenza Delos Santos, iginiit ng mga ito na ang depensa ng mga pulis na wala sila sa crime scene nang magsagawa ng anti-drug operations ang mga miyembro ng Caloocan PCP-7 noong Agosto 16 na pinamununuan ni Chief Inspector Amor Cerillo ay pawing palusot na lamang.
Ayon naman kay Public Attorney’s Office o PAO Chief Atty. Persida Acosta, dapat sa Korte na lamang patunayan ng mga akusadong Pulis – Caloocan na nasa barangay hall sila nang mangyari ang krimen.
Self-serving lang din aniya ang certification ng mga ito na wala sila sa crime scene nang mapatay si Kian dahil galing din ang certification sa kanilang hepe na respondent din sa kaso.
Samantala, nanindigan naman si Atty. Oliver Yuan, abogado ng mga akusadong pulis na hindi dapat isinama sa reklamo ang kanyang mga kliyente dahil malinaw na wala sila doon nang mangyari ang krimen.
Bagaman kasama aniya sa administrative case ng Philippine National Police – Internal Affairs Service o PNP-IAS ang kanyang mga kliyente, iba naman ang kasong kriminal at magkaiba aniya ang mga ito.