Sumampa na sa lima ang patay habang 13 ang sugatan nang araruhin ng 22-wheeler truck ang ilang sasakyan sa San Mateo – Batasan Road, Quezon City, ngayong Huwebes, Oktubre 26
Dead on-the-spot ang hindi pa nakikilalang kawani ng Bureau of Fire Protection o BFP, habang apat na iba pa ang dead-on-arrival sa Saint Matteus Hospital sa Barangay Banaba, San Mateo, Rizal at General Malvar Hospital sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Ayon kay Quezon City Police District Station 6 Commander, Superintendent Rossel Cejas, nagmula sa Batasan Road at tinatahak ng truck na may plakang PUW454 at minamaneho ng isang Rogelio Kalimutan, 47 anyos ang pababang bahagi ng kalsada nang mawalan umano ng preno ang sasakyan.
Mabilis aniya ang takbo ni Kalimutan kaya’t nabangga nito ang isang tow truck, dalawang kotse, jeep at motorsiklo.
Nagmula umano sa Pier sa Maynila si Kalimutan kasama ang dalawang pahinante at magde-deliver sana ng mga bakal sa San Mateo Road nang maganap ang aksidente, dakong 3:30 ng hapon.
Madugong vehicular accident sa BatasanRoad San MateoQC isa kumpirmadong patay maraming sugatan sinugod sa mga pagamutan @dwiz882 pic.twitter.com/dCeAKuNrDt
— JILL RESONTOC (@JILLRESONTOC) October 26, 2017
Drayber ng trak hawak na ng mga otoridad
Hawak na ng Quezon City Police District Station 6 ang drayber ng 22-wheeler truck na umararo sa ilan pang sasakyan sa San Mateo – Batasan Road na ikinasawi na ng lima katao.
Binigyan muna ng paunang lunas sa ospital si Rogelio Kalimutan, bago isinailalim sa kustodia ng Quezon City Police District Station 6.
Ayon kay Station 6 Commander Superintendent Rossel Cejas, posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at injuries si Kalimutan.
Batay sa imbestigasyon, mabilis ang takbo ni Kalimutan kahit nasa pababang bahagi na ng kalsada ang trak kaya’t nawalan umano ng preno.
Samantala, nagdulot naman ng mabigat na daloy ng trapiko sa naturang lugar ang aksidente.