Nagpalabas na ang Metro Manila Development Authority o MMDA ng rerouting scheme para sa mga lansangang nasa paligid ng Manila North Cemetery.
Kasunod na din ito nang inaasahang pagdagsa ng milyun-milyong Pilipino sa Manila North Cemetery sa Nobyembre 1 para dumalaw sa mga namayapang mahal sa buhay.
Ayon sa advisory ng MMDA, simula 4:00 ng madaling araw ng Nobyembre 1, ang mga trak at bus mula A. Bonifacio at Balintawak na patungong Maynila ay kailangang kumaliwa sa Sgt. Rivera Street, kanan sa D. Tuazon Street at kanan sa Calamba Street.
Ang mga trak at bus namang pabalik sa kanilang destinasyon ay kailangang pumasok sa Maria Clara, kaliwa sa Banawe Street, kaliwa sa Sgt. rivera at kanan sa A. Bonifacio.
Ang mga pribadong sasakyan, public utility jeepneys at mga taxi na mula Balintawak patungong Maynila ay makakadaan lamang sa Mayon Street, kanan sa Retiro Street, kaliwa sa Dr. Alejos Street, kanan sa Don Manuel Agregardo Street na tatagos ng Blumentritt.
Kapag pabalik naman ng point of origin, ang mga sasakyan ay pinadadaan sa Retiro Street, kaliwa sa CDC Street, kaliwa sa Angeo Street, kanan sa Sgt. Rivera, kaliwa sa Speaker Perez, kaliwa sa Del Monte Avenue at kanan sa A. Bonifacio patungong Balintawak.
Ipinabatid pa ng MMDA na ang outer most lane westbound ng A. Bonifacio mula Mayon – Del Monte at A. Bonifacio intersection hanggang Calavite Street ay partially closed at tanging mga pedestrian lamang ang makakadaan sa lugar.
Pinapayuhan naman ang mga motorista na mag-park sa designated areas tulad ng Ipo, General Tinio, Abao, Labo at Bulusan.
Samantalang ipinagbabawal naman ang pagpa-park sa outermost lane ng A. Bonifacio Avenue mula C3 hanggang Calavite Street.