Nagsingit umano ang Kamara ng pondo para sa pork barrel sa panukalang 2018 National Budget.
Ibinunyag ito nina ACT Teachers Partylist Representatives Antonio Tinio at France Castro kaugnay sa 3.7 trilyong piso na pambansang pondo para sa susunod na taon.
Sinabi ni Castro na 46 bilyong piso mula sa naturang pondo na inaprubahan ng kamara ay ini-reshuffle ng Kamara.
Ayon naman kay Tinio, bukod sa 40 bilyong piso na dagdag pondo para sa edukasyon partikular sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act, napansin nila ang pagtaas ng pondo sa mga departamento na aniya’y pangtustos sa itinagong pork barrel.
Kabilang dito ang halos 7 bilyong piso na pondo para sa Department of Public Works and Highways o DPWH para sa local programs nito at dagdag na mahigit limang bilyong piso para naman sa special purpose funds.
Halos dalawang bilyong piso din ang idinagdag sa pondo ng DSWD at tinaguriang protective services sa mga mahihirap na pamilya sa bansa.