Bumubuhos ang mga simpatya sa pamilya ng pinaslang na Grab driver.
Kasunod na din ito ng pagbisita ng mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metro Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP – HPG) sa burol ni Gerardo Maquidato.
Bumisita din sa burol ni Maquidato ang kapatid ng isang naging customer na namatay sa sakit.
Ayon kay Divine Lactao Ornum,kapatid ni Prima na naging customer ni Maquidato, hindi na nagpabayad pa ang Grab driver nang isakay ang kanyang kapatid para kumuha ng dugong kailangan sa dialysis nito.
Sadyang matulungan aniya si Maquidato na bumisita din sa burol ng kanyang kapatid na namatay, tatlong araw matapos siyang tulungan ng nasabing Grab driver.
Tiwala ang pamilya Maquidato na makukuha nila ang hustisya para sa nangyari sa Grab driver na iniimbestigahan na ng mga otoridad.
Si Maquidato ay pinatay noong Oktubre 26 ng mga suspek na nagpanggap na regular passengers sa Bonanza Street sa Pasay City.