Hindi sineryoso ng ilang Senador ang pangako ni PNP Chief Dir/Gen. Ronald Bato Dela Rosa sa mga pulis na gagawing apat na patong ang kanilang suweldo sa sandaling siya na ang maupong Pangulo ng Pilipinas.
Ayon kay Senate Majority Leader Tito Sotto, tiyak aniyang biro lamang ito ni Dela Rosa dahil batid naman nito na halos kalahati ng budget ng PNP at AFP ay napupunta sa pagbabayad sa mga retirees.
Para naman kay Senador Panfilo Lacson, isa lamang aniya itong boladas ni General Bato dahil maliban sa maganda itong pakinggan, nangangailangan aniya ito ng pagiging dalubhasa sa larangan ng matematika.
Naniniwala naman si Senador Gringo Honasan na walang batas na nagbabawal sa isang opisyal ng pamahalaan na mangako o maghangad ng tulong sa mga napapabayaan at nakalilimutang mga retirado na tapat na naglingkod sa bayan.