Tuloy ang pagdinig ng Sandiganbayan sa kasong graft na isinampa laban kay Senador Gringo Honasan kaugnay sa maanomalyang paggamit umano nito ng kaniyang PDAF o Priority Development Assistance Fund.
Batay sa anim na pahinang resolusyon na inilabas ng 2nd Division ng anti-graft court, ibinasura nito ang inihaing Motion for Reconsideration ni Honasan na humihiling na i-dismiss ang kasong isinampa laban sa kaniya.
Una nang iginiit ng Senador na hindi siya dapat kasuhan dahil sinunod naman umano niya ang mga panuntunan ng National Council for Muslim Filipinos na pinaglaanan niya ng halos 30 milyong Pisong pondo.
Magugunitang kinasuhan ng Ombudsman si Honasan sa Sandiganbayan makaraang maglabas ito ng kaniyang PDAF para sa NCMF para pondohan ang ilang proyektong pangkabuhayan sa mga Muslim communities na nasa Metro Manila at Zambales.