Balik-bansa na si Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang kanyang dalawang araw na official visit sa Japan.
Dakong alas-10:00 kagabi nang dumating si Pangulong Duterte kasama ang ilang miyembro ng kanyang gabinete sa Davao International Airport.
Sa kanyang arrival speech, ipinagmalaki ng Punong Ehekutibo ang produktibo niyang pakikipag-ugnayan kay Japanese Prime Minister Shinzo Abe partikular ang mga nilagdaang kasunduan na inaasahang magreresulta sa mabilis na implementasyon ng iba’t ibang infrastructure project.
Pinasalamatan din ni Pangulong Duterte ang Japan sa ambag nito sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Samantala, nagtagumpay din anya sila na hikayatin ang mga Japanese businessmen na maglagak ng negosyo sa Pilipinas na kabilang sa mga susi upang lumago pa ang ekonomiya ng bansa.
—-