Nagbitiw na sa posisyon ang dalawa sa apat na opisyal ng Social Security System o SSS na sangkot sa stock market controversy.
Napag-alamang nitong nakaraang linggo naghain ng kanyang liham pagbibitiw si Reginald Candelaria, ang Vice President for Equities and Investment Division samantalang noong nakaraang buwan pa ang kay Senior Vice President and Chief Actuary George Ongkeko Jr.
Bagamat inamin ni SSS Chairman Amado Valdez na konektado sa kontrobersya at sa ginagawang imbestigasyon ang pagbibitiw nina Candelaria at Ongkeko, hindi na ito nagbigay ng detalye.
Una rito, naghain ng administrative complaint si SSS Commissioner Jose Gabriel La Viña laban kina Candelaria, Ongkeko kasama sina Ernesto Francisco Jr., ang Head ng Equities Product Development at Rizaldy Capulong, ang Executive Vice President for Investments.
Kumita di umano ang apat sa stock market gamit ang mga stockbrokers na namamahala sa portfolio ng SSS sa stock market.
—-