Pangkalahatang naging mapayapa ang paggunita ng mga Pilipino sa undas o All Saint’s Day, unang araw ng Nobyembre.
Iyan ang inihayag ng Philippine National Police o PNP bagama’t patuloy pa ring nakabantay ang kanilang hanay sa mga himlayan para bantayan ang mga humahabol pang bumisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Superintendent Dionardo Carlos, batay sa kanilang datos, isang insidente lamang ng alarm and scandal ang kanilang naitala sa Region 2 na may kaugnayan sa okasyon.
Aabot naman sa 1,487 ang mga ipinagbabawal na bagay sa sementeryo ang nakumpiska ng pulisya.
Mahigit 800 aniya rito ay mga patalim, 109 ang mga nakalalasing na inumin, 531 ang flammable materials habang apat (4) ang mga nakumpiskang baraha.
Aabot din aniya sa mahigit 5,000 ang natulungan ng pulisya sa kanilang assistance hub sa iba’t ibang panig ng bansa na tinatauhan ng halos 30,000 mga pulis.