Inaasahang naabot na ng Pilipinas ang pinakamataas na antas ng inflation noong buwan ng Oktubre na siyang pinakamataas sa nakalipas na tatlong taon.
Ang inflation ang siyang ginagamit na sukatan ng paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Ayon kay Finance Undersecretary Gil Beltran, pumalo pa sa 3.5 percent ang inflation na naitala noong isang buwan na mas mataas kumpara sa 3.4 percent noong Setyembre at 2.3 percent noong isang taon.
Gayunman, nilinaw ni Beltran na kahit tumaas ang lebel ng inflation sa bansa, nananatili pa ring matatag ang presyuhan ng mga pangunahing bilihin lalo’t inaasahan na magkakaroon ng pagbaba bago matapos ang taon.
Dagdag pa ni Beltran, asahan na rin na magkakaroon ng malakihang pagtaas sa presyo ng sin products tulad ng sigarilyo at alak gayundin ng presyo ng mga pabahay, gasolina at enerhiya.
—-