Nakatakdang magsampa ng kasong plunder si Senador Antonio Trillanes IV laban kay Senador Richard Gordon bukas sa Office of the Ombudsman.
Ayon kay Trillanes, may kinalaman ang kaso kaugnay sa pagkamal ng yaman ni Gordon bilang pinuno ng Philippine Red Cross.
Sinabi pa ni Trillanes na nakahanda siyang magsumite ng testimonial at documentary evidence na magpapatunay sa ihaharap niyang kasong plunder laban kay Gordon.
Dahil dito, hihilingin din aniya niya sa Commission on Audit o COA na magsagawa ng special audit sa pondo ng Red Cross.
Samantala, plano ding sampahan ni Trillanes ng libel case ang pro-administration blogger na si RJ Nieto aka “Thinking Pinoy” at Manila Times Columnist na si Yen Makabenta.
Ito ay kaugnay sa pagpapakalat umano ng “fake news” nina Nieto at Makabenta ng balitang tinawag umano si Trillanes ni US President Donald Trump na “Little Narco”.
Giit ng senador, dapat lamang na papanagutin sila Nieto at Makabenta dahil sa pagpapakalat umano ng kasinungalingan.