Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng tinaguriang pork barrel fund scam queen na si Janet Lim Napoles na humihiling na payagan siyang makapagpiyansa sa kasong plunder na kinakaharap kasama si dating Senate President Juan Ponce Enrile.
Ayon sa Korte Suprema, hindi nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Sandiganbayan nang ibasura nito ang bail petition ni Napoles sa kanyang plunder case.
Ito’y dahil sa paniwalang matibay ang mga ebidensyang magdiriin sa akusado sa maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund o PDAF ng mga mambabatas na idinaan sa mga pekeng non-government organizations na pag-aari ni Napoles.
Si Napoles ay kapwa akusado ni Enrile sa plunder at graft cases kaugnay ng umanoy pagkakamal ng dating mambabatas ng 172.8 million Pesos mula sa kanyang PDAF allocations noong 2004 hanggang 2010.
Nauna ng kinuwestyon ni Napoles sa S.C. ang resolusyon ng Sandiganbayan nong October 17, 2015 at March 2, 2016 kaugnay ng pagbasura sa kanyang petition na payagang makapagpiyansa para sa pansamatalang kalayaan.