Pinayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority o M.M.D.A. ang mga motorista na iwasan muna ang EDSA habang mayroong Association of Southeast Asian Nations Summit.
Ito, ayon sa M.M.D.A., ay dahil sa ipatutupad nilang “stop and go” scheme sa EDSA, kung saan daraan ang maraming delegado mula Clark, Pampanga papuntang Pasay at pabalik simula sa Sabado, Nobyembre a-onse hanggang Lunes, Nobyembre a-trese.
Sa ilalim ng “stop and go” scheme, patitigilin ang mga motorista upang makadaan muna ang ASEAN convoys at maaaring matigil ng lima hanggang dalawampung minuto ang mga sasakyan kaya’t mainam na huwag munang dumaan sa EDSA.
Maaari ring maapektuhan ang biyahe ng MRT dahil hindi puwedeng magkasabay ang bilis nito at ng ASEAN convoy bilang bahagi ng security measure kung saan pauunahin ang mga sasakyan ng delegado at pababagalin ang andar ng tren.
Pinaiiwas din ang mga motorista sa ilang lugar at kalsada na isasara para sa ASEAN gaya ng Cultural Center of the Philippines Complex, SMX Convention Center at bahagi ng Roxas boulevard.