Sinimulan na ang pagdinig sa extradition case ng Pilipinong doktor na sinasabing nagpapadala ng pondo sa teroristang grupong ISIS o Islamic State para sa naudlot na planong pagpapasabog sa New York noong nakaraang taon.
Batay sa inihaing salaysay ng akusadong si Russel Salic, sinabi nito na na-hacked ng mga miyembro at supporters ng ISIS ang kanyang Facebook account at email address matapos aniya kondenahin ang grupo noong 2015.
Saad pa ni Salic na ang mga perang kanyang ipinadala ay para mga international groups na tumutulong sa mga biktima ng giyera at isang hindi tinukoy na organisasyon sa Malaysia para naman sa mga Rohingyan Muslim.
Iginiit ni Salic na posibleng nagkamali lamang ang mga FBI agents dahil ang intensyon lamang aniya ay tumulong sa mga nangangailangan at biktima ng giyera subalit napahamak pa siya.
Sinabi naman ni US Justice Department Attache in Manila Christopher Cardani na mahalagang ma-extradite na si Salic sa lalung madaling panahon para mailahad na rin nito ang sarili sa harap ng mga hurado sa Amerika.
—-