Iginiit ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman Ace Barbers na dapat alamin din ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang iba pang kasabwat ng drug queen na si Yu Yuk Lai at ng anak nitong si Diana Uy.
Ito’y makaraang mabulilyaso ng mga otoridad ang modus operandi ng iligal na droga ng mag-ina.
Ayon kay Barbers, hindi dapat matigil sa mag-inang drug queen ang usapin ng operasyon ng droga dahil tiyak na marami pa ang mga nasa likod nito.
Kailangan aniyang imbestigahan din ng PDEA kung sino ang mga “outside contact” ng mag-ina, facilitator ng kanilang shabu importation at ang bigtime na parokyano ng kanilang operasyon.
Hindi iniaalis ni Barbers ang posibilidad na maaaring sangkot din sa rice smuggling si Diana dahil natuklasan na ikinukubli ang mga droga sa kanyang rice retailing business na hindi kalayuan sa Malakanyang.
Samantala, kinuwestyon din ng Kongresista ang Philippine National Police o PNP hinggil sa ibinigay nitong VIP security escorts kay Diana na nagmula sa Police Security Protection Group.