Nais ipagiba ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang mga lumang kulungan at ilipat ang mga ito sa mga probinsya.
Paliwanag ni PDEA Director General Aaron Aquino bukod sa luma na ang ilan sa mga piitan katulad ng New Bilibid Prisons at Correctional Institution for Women ay nagpapatuloy pa rin umano ang drug trade sa loob.
Bilang pagtugon sa problema mungkahing solusyon ni Aquino ay ilipat ito sa lugar na malayo sa siyudad upang mabantayan ng maigi ang mga aktibidad ng mga preso.
Naniniwala din aniya si Aquino na malaki ang magagawa ng mega drug rehabilitation facility sa Nueva Ecija para matuldukan na ng tuluyan ang talamak na bentahan ng droga sa mga piitan.
Iniyahag din ni Aquino ang kaniyang planong paghiling ng karagdagang budget na 2.5 billion pesos para sa ahensya na ilalaan sa pagdagdag at training ng mahigit 1,000 bagong agent kada taon pati na rin mga K-9 unit.
PDEA office in Bilibid
Samantala, pinamamadali ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang paglalagay ng kanilang tanggapan sa New Bilibid Prison o NBP.
Ito ay makaraang makumpiska ang milyong pisong halaga ng droga sa loob ng Correctional Institute for Women mula sa tinaguriang drug queen na si Yu Yuk Lai.
Ayon kay PDEA Director Aaron Aquino, layunin nila na mabantayan ang mga kritikal na aktibidad ng pagpupuslit ng illegal na droga sa loob ng mga selda.
Maliban sa NBP, plano ring ikasa ng PDEA na maglagay ng tanggapan sa BOC o Bureau of Customs upang ma-inspeksyon ang mga shipping vessel na dadaong sa mga pantalan sa bansa.
(By Arianne Palma)