Itinuturing ni Senador Risa Hontiveros na isang babala sa mga kritiko ng “war on drugs” ang pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte kay dating DDB o Dangerous Drugs Board Chairman Dionisio Santiago.
Ayon kay Hontiveros, ang hakbang na ito ng Pangulo ay nangangahulugan na bawal magsabi ng totoo at bawal kumontra ang sinumang opisyal kaugnay sa kampanya ng administrasyon kontra illegal na droga.
Ipinaalala pa ni Hontiveros na sinipa din noon ni Pangulong Duterte si dating DDB Chairman Benjamin Reyes makaraang kontrahin nito ang sinabi ng Pangulo na mahigit apat na milyon na ang mga drug addict sa buong bansa.
Matatandaang inamin ni Pangulong Duterte na kanyang pinag-resign si Santiago matapos nitong sabihin na isang pagkakamali at hindi praktikal ang itinayong mega drug rehab facility sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija.
—-