Naghain na ng sagot sa Department of Justice o DOJ Panel of Prosecutors ang mga magulang ng University of Santo Tomas o UST law student na si Horacio “Atio” Castillo III sa counter-affidavit ng mga respondent sa reklamong isinampa nito at ng Manila Police District (MPD) sa mga itinuturong nasa likod ng pagkamatay ng kanilang anak.
Personal na pinanumpaan ng mag-asawang Horacio Jr. at Carminia Castillo ang kanilang reply-affidavit sa harap ng DOJ panel.
Kinontra ng mag-asawang Castillo ang argumento ng respondents na namatay si Atio dahil mayroon na itong pre-existing heart condition na hypertrophic cardiomyopathy o enlargement of the heart.
Batay na din anila sa histopathological report ng mga doktor, nasawi si Atio dahil sa severe blunt traumatic injuries, nang dahil sa hazing kung saan nagtamo ito ng acute kidney injury bunsod ng skeletal muscle breakdown.
Tumaas din ang potassium sa dugo ni Atio na sinabayan ng pagbaba ng calcium dahil sa muscle trauma o sobrang pagkabugbog na nagresulta sa cardiac failure kaya ito namatay.
Inaasahang magsusumite ang mga respondent ng kanilang rejoinder sa kaso sa Nobyembre 16.