Nanawagan ng panalangin ang National Capital Region Police Office o NCRPO para sa mapayapang pagdaraos ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit sa bansa.
Ayon kay NCRPO Chief Oscar Albayalde, hindi sapat ang paghahanda lamang ng Philippine National Police o PNP at iba pang ahensya ng pamahalaan nang wala aniyang gabay ng Panginoon.
Binigyang diin ni Albayalde na mahalaga aniyang may kalakip na dasal ang anumang paghahanda para sa ganito kalaking pagtitipon sa bansa.
“Nananawagan tayo sa publiko na iwasan na lang ang area ng PICC-CPP Complex, at Sofitel sa susunod na linggo.
Samahan niyo po kami sa pagdarasal na maging maayos at mapayapa ang pagdaraos ng ASEAN Summit sa ating bansa.
Maging mapagmatyag po tayo sakaling may makitang kahina-hinala ay agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad.” Pahayag ni Albayalde
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Albayalde ang mga pulis na nakadeploy sa ASEAN summit na isaisip at gawin ang kahalagahan ng teamwork, kooperasyon, sakripisyo, pagkukusa at pagpapatupad ng maximum tolerance.
‘All systems go’
Isandaang porsyento nang kasado ang paghahanda ng Philippine National Police o PNP para sa seguridad sa 31st ASEAN Summit.
Tiniyak ito ni Albayalde na nagsabing ngayong araw na ito nakumpleto ang ipatutupad nilang seguridad sa nasabing pagpupulong.
Ipinagmalaki pa ni Albayalde ang matagal na ring deployment ng iba pang puwersa ng PNP para bigyan ng seguridad ang mga lider ng mga bansa sa Southeast Asia gayundin ang ASEAN partners nito.
“Nakikita po natin na maayos athough hindi natin masasabing good proof ito until matapos ang ASEAN Summit ngunit kapag sa preparasyon lang po ang pag-uusapan talagang handang-handa na tayo para tanggapin ang 21 heads of state na bibisita sa atin.” Dagdag ni Albayalde
(Judith Larino/ Ratsada Balita Interview)