Posibleng hindi na kailanganin pa ang panukalang TRAIN o Tax Reform for Acceleration and Inclusion.
Ito ayon kay Senador JV Ejercito ay sa harap na rin nang pagganda ng koleksyon ng buwis ng Customs at BIR.
Sinabi ni Ejercito na gagamitin niyang malakas na argumento laban sa TRAIN ang malaking pag-akyat ng koleksyon ng buwis at import duties ng BOC sa nakalipas na buwan na umabot sa 42 billion pesos habang mahigit 138 billion pesos naman ang nakolekta ng BIR noong Setyembre na mas mataas pa sa target na 130 million pesos.
Kaya naman aniyang maitaas ang koleksyon ng buwis nang hindi na kinakailangang magpataw ng panibagong buwis o taasan pa ang umiiral na buwis at sa halip ay paghusayin na lamang ang pangongolekta at sugpuin ang smuggling.
Muling nanawagan si Ejercito sa economic managers na pag-isipan muli at repasuhin ang TRAIN dahil sa inflationary effect nito na makakaapekto ng husto sa mga mahihirap na Pilipino.
(Ulat ni Cely Bueno)