Walang dahilan para pigilan ng China ang Pilipinas na magtayo ng imprastruktura sa Sandy Cay na isang sandbar malapit sa Pag – asa Island.
Ayon ito kay Magdalo Partylist Representative Gary Alejano matapos ipag – utos ng Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ang konstruksyon ng Armed Forces of the Philippines o AFP sa Sandy Cay.
Iginiit ni Alejano na walang nilalabag na declaration of conduct ang Pilipinas sa pagtatayo ng imprastruktura sa Sandy Cay na nasa kontrol naman ng bansa.
Ipinatigil na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatayo ng istruktura ng Armed Forces of the Philippines o AFP sa isang sand bar sa West Philippine Sea matapos magreklamo ang China.
Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na magtatayo sana ang militar ng nipa hut sa isang bagong tubong sand bar malapit sa Pag-asa Island para magsilbing pahingahan ng mga mangingisdang Pilipino.
Gayunman, nang makita umano ng China ang mga bitbit na gamit ng mga sundalo sa nasabing sand bar ay agad itong inireklamo kay Pangulong Duterte.