Walang matatanggap na bonus ang mga pulis na mahuhuling tutulog-tulog sa oras na lumarga na ang ASEAN Summit.
Ito ang babala ni National Capital Region Police Office o NCRPO Chief Director Oscar Albayalde makaraang mahuli niya habang nag-iikot ang ilang pulis na nagte-text sa kalagitnaan ng trabaho.
Ayon kay Albayalde, kung unang beses nahuli ay reprimand lamang pero kung matiyempuhan sa pangalawang pagkakataon ay awtomatikong sususpendihin at tanggal ang bonus ng mga pulis.
Pinayuhan naman ng heneral ang mga pulis na ide-deploy para sa ASEAN Summit na iwasan munang gumamit ng social media tulad ng Facebook o Twitter sa halip ay tutukan ang trabaho hangga’t hindi natatapos ang nabanggit na event.
3 pulis nasermunan
Matinding sermon ang inabot ng tatlong pulis na bantay para sa ASEAN Summit mula kay NCRPO Chief Director Oscar Albayalde.
Ito ay matapos mahuli ni Albayalde sa pag-iikot ng inspection team ang naturang mga bagitong pulis na nakaupo at abala sa pagte-text.
Hindi napigilan ni Albayalde ang sarili at sinabon ang naturang mga pulis na nagpapabaya sa kanilang trabaho.
Kasabay nito, nanawagan si Albayalde sa mga pulis na magbabantay sa Asean Summit na maging alerto upang hindi malusutan ng mga nagnanais manggulo.
Tinatayang nasa mahigit 60,000 pulis at sundalo ang ipapakalat sa ASEAN Summit.
—Ralph Obina