Plantsado na ang lahat ng preparasyon para sa 31st Association of South East Asian Nations o ASEAN Summit and Related Meetings na magsisimula, bukas.
Mahigit dalawampung world leaders at heads of state ang dadalo sa pinaka-malaking international event sa timog-silangang Asya na gaganapin sa bansa kasabay ng 50th anniversary ng ASEAN.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mula sa seguridad hangang sa lahat ng kagamitan na kailanganin sa aktibidad ay plantsado na.
Kahit aniya ang press working area para sa tinatayang 2,000 local at international journalist kabilang ang Malacañang Press Corps.
Muling nanawagan ang Malacañang sa mga publiko na ipakita sa mga dadalo sa ASEAN Summit ang pagiging disiplinado ng mga Pilipino dahil isa itong makasaysayang okasyon sa bansa.
Sisimulan ang event sa pamamagitan ng isang gala dinner sa SMX Convention Center sa Pasay City, alas-7:00 bukas ng gabi.
Samantala, kabilang sa mga ASEAN leader na inaasahang darating ngayong araw sa Clark International Airport, Pampanga sina Cambodian Prime Minister Hun Sen at Myanmar State Counselor Aung San Suu Kyi.
—-