Halos dalawandaang pamilya mula sa Carmen, Cotabato ang nagsilikas patungong Aleosan makaraang maglunsad ng air-to-ground military offensives ang Armed Forces of the Philippines laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Ayon kay Capt. Napoleon Alcarioto, head ng civil military operations ng 602nd brigade, nananatili sa temporary shelter sa Barangay Lawili sa Aleosan ang mga evacuee.
Pinagkalooban na rin anya ang mga internally displaced person ng initial assistance gaya ng food relief packs ng local government units ng Carmen at Aleosan.
Miyerkules nang ilunsad ng army air strikes laban sa ISIS-inspired group na BIFF makaraang makatanggap ng ulat na nasa tatlumpung bandido ang namataan sa Barangay Tonganon at karatig barangay ng bentangan sa Carmen.
Pinangungunahan umano ang grupo ng terrorist leader na si Esmael Abdulmalik Alyas commander Abu Torayfe kasama ang ilang foreign Jihadist.