Iaakyat ni US President Donald Trump kay Pangulong Rodrigo Duterte ang isyu ng drug war ng pamahalaan gayundin ang usapin ng agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon sa isang senior official ng White House Press Office, nais ni Trump na masigurong naaayon sa batas ng Pilipinas at sa International Law for Human Rights ang pagpapatupad ng nasabing kampaniya.
Magugunitang nagpahayag ng kaniyang pagsuporta si Trump kay Pangulong Duterte hinggil sa kampaniya nito kontra droga dahil pareho aniya sila ng problema na siya ring kinahaharap ng buong mundo.
Gayunman, una nang binanggit ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi kasama sa nakatakdang bilateral meeting nila Pangulong Duterte at Trump ang drug war o alinmang usaping panloob ng Pilipinas.
—-