Anim sa bawat sampung Pilipino ang pabor na palawigin pa ang pagpapatupad ng Batas Militar sa Mindanao kahit ganap nang natapos ang limang buwang bakbakan sa Marawi City.
Batay sa survey ng Social Weather Stations o SWS, nasa 54 na porsyento ang nagsabing pabor sila na palawigin pa ang Batas Militar, tatlumpung (30) porsyento naman ang hindi pabor habang 16 na porsyento ang undecided.
Ginawa ang survey sa 1,500 mga respondents mula Setyembre 23 hanggang 27 o halos tatlong buwan bago ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na malaya na ang Marawi mula sa mga terorista.
Gayunman, nilinaw ng SWS na mas mababa ang resulta ng kasalukuyang survey kumpara sa kaparehong survey na ginawa nila noong Hunyo o mahigit isang buwan matapos ideklara ng Pangulo ang Martial Law sa Mindanao.
Welcome sa Malacañang
Tinanggap ng Malacañang ang lumabas na survey ng Social Weather Stations o SWS na nagsasabing mahigit sa kalahati ng mayorya ng mga Pinoy ang pabor na palawigin pa ang umiiral na Martial Law sa Mindanao.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, isang patunay aniya ito na suportado ng mayorya ng mga Pilipino ang mga ginagawang hakbang ng Pangulong Rodrigo Duterte para sa bansa.
Binigyang diin ni roque ang 16 na porsyento na undecided sa naturang survey kung saan, isa aniya itong indikasyon na posibleng tumaas pa ang bilang ng mga pabor.
Idinagdag pa ni Roque na lubhang kinakailangan ang pagdideklara ng Martial Law sa mindAnao upang lalo aniyang malabanan ang terorismo sa Mindanao tulad ng ginawa sa Marawi City.
—-