Nagkagirian ang mga pulis at anti-Trump protesters sa bahagi ng Padre Faura sa Maynila.
Ito ay matapos magpumilit ang mga raliyista na magtungo sa PICC kung saan ginaganap ang mga aktibidad para sa 31st ASEAN Summit.
Nagkapaluan at nagkasakitan ang panig ng mga raliyista at mga anti-riot police na ikinasugat ng ilan sa mga ito.
Napilitan tuloy ang mga awtoridad na bombahin ng tubug ang mga raliyista upang maitaboy ang mga ito.
Una rito, nagpaalala na si Manila Police District Spokesman Police Superintendent Erwin Margarejo sa mga raliyista na maging kalmado.
Samantala, katuwang ng Manila Police District sa pagbabantay ng seguridad para sa ASEAN Summit ang mga pulis mula sa Central Luzon at CALABARZON at may darating pa galing sa regional public safety battalion.
Partikular na ipinoprotesta ng mga militante ang pagbisita sa bansa ni US President Donald Trump.
Inaasahang magkakaroon ng bilateral talks sina Pangulong Duterte at Trump ngayong umaga matapos ang opening ceremony ng ASEAN.
(Ulat ni Aya Yupangco)