Naghain na ng application ang Uber sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Kinumpirma ito ni LTFRB Chair Atty. Winston Ginez, tatlong araw bago ang deadline nilang itinakda sa August 20.
Sampung libong piso (P10,000) ang ibinayad na accreditation fee ng kumpanya.
Gayunman, sinabi ni Ginez na pag-aaralan pa nila ang mga dokumentong isinumite ng Uber.
Sakali mang maaprubahan ng LTFRB ang application ng kumpanya, hindi pa ito katiyakang hindi huhulihin sa kalsada ang mga driver na bumibiyahe sa ilalim ng Uber.
Ayon pa kay Ginez, hiwalay pa ang rehistro ng mga may-ari ng pribadong sasakyang magpapasailalim sa Uber kung saan P520 pesos na application fee ang babayaran ng unang dalawang sasakyan na magpaparehistro habang P70 pesos naman ang kada dagdag na unit.
By Judith Larino